Walang maasahang pagbabago ang mga manggagawa sa bagong talagang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na si Francis Tolentino. Mananatili raw itong kontra-manggagawa at maka-kapitalista, ayon sa tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Jerome Adonis.
“(S)uportado ni Tolentino ang pagpapanatili ng regional wage boards – isang mekanismo sa pambabarat ng sahod at pagwawatak-watak sa pagkakaisa ng mga manggagawa,” aniya.
Noong nakaupo siya bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ipinagkait niya ang mga benepisyo na naigiit na ng mga manggagawa. Marami rin siyang sinisante sa MMDA sa ilalim ng kanyang pamunuan.
Noong senador si Tolentino, tumayo siyang co-author ng bersyon ng senado ng Anti-Terror Law. Itinulak niya ang “pagsisiwalat” ng mga kawani ng gubyerno kung mayroon silang kamag-anak na bahagi ng “mga teroristang grupo.” Ang hakbang na ito ay alinsunod sa patakaran ng Red-tagging at panunupil na ipinatutupad ng NTF-ELCAC laban sa mga progresibong organisasyon at aktibista.
“Anong klaseng DOLE Secretary ‘yan?” bwelta ni Adonis. “Ang usapin ng mga manggagawa ay kawalan ng trabaho, mababang sahod sa harap ng krisis, at atake sa karapatang mag-unyon at magwelga. Track record pa lang, mukhang hindi labor issues ang aatupagin ni ‘Tol’ kundi maging mouthpiece ng NTF-ELCAC.”
Galing si Tolentino sa isang pinakamalaking dinastiyang pamilya sa Cavite. Itinalaga siya ni Ferdinand Marcos Jr bilang Acting Secretary ng DOLE noong Mayo 25, isang taon matapos matalo siya sa pagtakbo bilang senador noong 2025. Pinalitan niya si Bienvenido Laguesma.
The post Bagong kalihim ng DOLE, kontra-manggagawa ayon sa KMU appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.


